My Memories of SM City North Edsa

 

Ibang-iba na ngayon ang SM City North Edsa. May, nabawas; may nadagdag. Gaya ng The Block at ang bagong Sky Garden.

Marami akong masasayang alaala sa SM City North Edsa. Nariyan nag mga oras na patambay-tambay kasama ng aking mga kaibigan. Pag tiantamad pumasok sa paaralan doon din ang aming puntahan. O di kaya pagkagaling sa school o kaya pag half-day, diyan siguro ang aming punta.

Tatambay kami sa food court at magkwekwentuhan habang kumakain ng chichiriya at french fries. O di kaya ay pupunta kami ng aking mga kaibigan at ang kakain sa Cafe’ Elysee’. Minsan kasi feeling “soysal” kami. Oorder kami ng iced tea at isang bandehado ng nacho salad– okay na kami dun. Dati itong nasa second floor ng main building, sa pwesto ngayon ng shakeys. Naalala ko pa nga may escalator pa ito sa gilid, na sa ilalim nun ay ang gallery ni Peck Pinon. Isa pang tambayan namin ang A&W at Wendy’s sa dating Annex.

At pagkatapos kumain ay maglalaro na kami ng Tekken at Street Fighter II sa may video arcade. Air hockey, yung basketball game, maski ang DANCE DANCE Revolution ay aming nilalalaro. Pag nagasawa na kami ay nagiikot-ikot kami sa boung mall.

Kapag bored sa bahay at walang magawa, dito din ako pumupunta. Nagwi-window shopping sa Giordano, Guess at Benetton. Nagkakape o di kaya kumakain ng takoyaki sa Samurai Express sa may Super Sale Club. Pupunta sa BookSale para maghanap at bumili ng murang pocket book at magazine. Isa pang paboritiong kong pinupuntahan noon ay ang Nova Fontana sa Carpark.Mura at maganda kasi ang mga laruan doon. Lagi silang may naka-sale at doon ako nakabili ng mga G.I. Joe na tig-50 pesos lamang.

Ang aking mga kapatid ay may ilang beses na din nagcelebrate ng kanilang kaarawan sa Jollibee sa lumang Annex. Masaya mag-party dun kasi may mascots, may games at syempre may Chicken Joy!

Isa ito sa mga kinasasabikan kong pangyayari nung ako’y bata pa–ang aming bonding session ng aking ama– sa maikling panahong kami’y magkapiling. Bihira kaming magkasama. Bihira kasi sya umuwi. Minsan sa isang taon lamang. Nariyan din ang pagkakakataong minsan sa 2 taon. Lumagaligi sya dito ng isang buwan hanggang 2 buwan. Ito ang kanyang bakasyon mula sa kanyang pinagtatrabahuang kumpanya sa Saudi. Kadalasang itinataon nya ang kanyang bakasyon tuwing Marso, kasabay ng aking bakasyon sa paaralan.

Naalala ko tuwing bakasyon at nandito ang aking ama, isa sa mga gawain namin ay ang magpunta sa SM City North Edsa.

Pag siya’y dumarating, kami ay umuuwi sa bahay nila sa Candaba. Dun kami namamalagi hanggang sa huling araw ng kanyang bakasyon. Paminsan-minsan kami’y lumuluwas at nagpupunta sa SM City. Wala namang kasing pasyalang katulad nito nung panahon na iyon probinsya namin.

Mamimili kami ng damit, sapatos, mga gamit sa aking pag-aaral. Natatandaan ko pa ang unang Bench t-shirt na binili namin. Kulay puti ito at may nakasulat dun na “Bench Brats” sa harap. Pero ang a pinakapaborito ko ay ang aming pagpunta sa ToyLand para bumili ng aking laruan. Siyempre, hindi pwedeng hindi kami bumili ng laruan. Pagkatapos naming mamimili kami nama’y kumakain sa Jollibee. Minsan nanunood din kami ng pelikula. Madalas inaabot kami ng gabi kaya’t malimit kaming duamting sa bahay ng malalim na ang gabi.

Ito ay ilan lamang sa mga alaalang nabuo ko na kasama ang SM City North Edsa. Ang mga alaalang aking binabalik-balikan sa tuwing ako’y pumapasok sa kanyang pintuan. parte na ito ng aking buhay. At kahit ibang-iba na ngayon ang hitsura nito, ito pa rin ang aking SM City na kinalakihan.

Ryan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.